Linya: Tayong mga lider

I will run this ahead of our school magazine since I can’t wait, and what I’ve said is becoming obsolete by the days. I’ve written my linya column still a month ago. The second issue of Hilites Magazine will be released to the high school two weeks from now. (Refer: my first column)

LINYA
Tayong mga lider
ni Victor Villanueva

Rinding-rindi na ang mga tenga ng maraming Atenista sa karirinig ng 5-C’s at men for others na ‘yan. Tayo daw kasi ang mga magiging mga pinuno ng ating lipunan pagdating ng panahon. Ang kapal! Pero ano magagawa natin, eh totoo. Mahirap isipin na kuta ng pagsasanay ang ating munting high school ng mga pinuno. Pero totoo. Walang biro. Hindi ko na rin gagamitin sina Jose Rizal at Evelio Javier bilang patunay.

Ang mga mahusay na patunay ay ang labinlimang kongresista sa ating kasalukuyang Mababang Kapulungan na nanggaling sa Ateneo High School. Sila sina Reps. Carlos Imperial ng Albay (1952), Agapito Aquino ng Makati (1955), Exequiel Javier ng Antique (1959), Wilfrido Villarama ng Bulacan (1960), Victor Sumulong ng Antipolo (1964), James Gordon Jr. ng Zambales (1965), Florencio Abad ng Batanes (1972), Juan Ponce Enrile Jr. ng Cagayan (1976), Benigno Aquino III ng Tarlac (1977), Francisco Perez III ng Batangas (1982), Joel Almario ng Davao Oriental (1983), Gilbert Remulla ng Cavite (1988), Felix Fuentebella ng Camarines Sur (1993), Michael Duavit ng Rizal, at Mark Jimenez ng Maynila (pero hindi na siya kongresista ngayon).

Dami, ‘no? Oo, hindi n’yo kilala ang marami sa kanila. Ilan lang sa kanila ang tumagal sa mga pambansang balita para maalala natin nang husto. Kung hindi man sila mismo ang tagapaghatid ng balita tulad ni Rep. Gilbert Remulla na ngayo’y isa sa mga madalas na nagsasalita para sa oposisyon. Isa naman sa madalas na nagsasalita para sa kowalisyon ng administrasyon si dating Department of Agrarian Reform Secretary Rep. Florencio Abad. Kasama s’ympre sa mga madalas napapabalita si Ex-Rep. Mark Jimenez, na ngayo’y nakakulong sa Estados Unidos. Kabilang rin sa mga mas kilala si Rep. Felix “Wimpy” Fuentebella. Siya ang pangunahing proponent ng napaka-kontrobersyal na impeachment case laban kay Punong Hukom Hilario Davide. Isa rin sa mga ‘impeachment kids’ o ‘brats’ na minsang lumabas ang larawan sa front page ng Philippine Daily Inquirer si Rep. Michael Duavit.

Liban sa mga kongresista, apat na miyembro ng gabinete ni Pangulong Gloria Arroyo ay nagtapos rin ng high school sa Ateneo. Sila sina Dick Gordon ng Department of Tourism, Leonardo Montemayor ng Department of Agriculture, Romulo Neri ng National Economic & Development Authority, at si Manuel Roxas II ng Department of Trade & Industry. Sa apat na ito, kilalang-kilala na siguro na marami sa atin si Mar Roxas ng DTI. Kung hindi ba naman oras-oras tayong pinaaalahanan sa telebisyon na consumer welfare month ang buwan ng Oktubre at pati na rin Nobyembre, paano ba natin hindi maaalala si Mr. Palengke.

Kulang na kulang ang isang pitak para ilahad ko ang lahat ng mga nasa gobyernong galing sa Ateneo High School. Liban sa mga kasalukuyang pinuno natin, marami ring mga anak ng mga lider at politiko dito sa High School. Sa isang bansa kung saan usung-uso ang sunud-sunod na pagtakbo sa halalan ng magkakapamilya, hindi malayong naririto na ang ilan sa mga kongresista, mga alkalde, o mga gobernador ng bansa natin sa hinaharap. Hindi ako nagbibiro, nagiging lider ang Atenista. Ikaw, puwedeng-puwede kang maging pulitiko kahit hindi ka kabilang sa isang political dynasty o wala kang pangalang tinutungtungan. Aba’t kahit nakatira ka sa Quezon City o sa Makati buong buhay mo, magtayo ka lang ng bahay sa kahit ano sa pitompu’t limang lalawigan ng Pilipinas at sabihin mong doon ka nananahan (kahit hindi ka doon nakatira), ay puwedeng-puwede ka nang tumakbo bilang isang lokal na opisyal. Maraming ganyan!

Napakaraming Atenista ngayon ang nasa pedestal ng kapangyarihan sa gobyerno at negosyo. Malapit na ang eleksyon ng 2004. Siguradong may dadagdag na namang mga Atenista sa ranggo ng ating mga kasalukuyang mga pinuno. Baka sa mga susunod na mga taon darating na rin ang unang taga-Ateneo High School na magiging Pangulo ng Pilipinas (kung hindi natin ibibilang si Joseph Estrada). Malay mo, baka nasa ating munting high school na siya ngayon. Huwag sana nating kalimutan ang mga natutunan natin sa high school. ‘Wag na tayong dumagdag sa mga bumigo sa Ateneo at sa pangarap nito para sa mga mag-aaral na hinubog niya. Habang-buhay na lang ba tayo mag-aasam ng pagbabago? Ang mga Atenista, nagiging mga pinuno, tunay at hindi.

Leave a Reply